Thursday, April 4, 2013

Ang Aking Kaarawan



Mula sa probinsiya namin, dinalaw ako ng kapatid ko at pamangkin ko (kasama kong naninirahan dito sa Maynila ang aking ina).  Nakaplano na talaga ang pagdalaw na ito. Pupunta kami sa isang malayong lugar upang ipagdiwang ang aking kaarawan. Hindi ko naman naisip na maiipit ako sa sitwasyon na ito ng aming planuhin ang lakad na ito... at lalo naman na ayaw ko ipagpaliban ito.

Unang una, napakalayo ng kanilang nilakbay para lang mabati ako, ayoko naman mapunta sa wala ang sakripisyo nilang mag-ina. Isa pa ayoko naman na makahalata sila na mayroon akong pinagdadaanang matinding sitwasyon. Sa pamilya kasi namin ako ang pinakamatapang. Alam ko na magtataka sila at magtatanong kung magpapakita ako ng anumang kahinaan o pag-aalinlangan. Hindi pa ako handang ipaalam sa kanila ang kalagayan ko. Alam ko makakadagdag lang yun sa kung anumang alalahanin nila. Ayokong mabuhay sa awa ng iba. Gusto ko, kung anuman ang pagtingin at pagtrato nila sa akin noon, ganun pa din hanggang sa matapos na ang oras ko sa mundong ito. At siyempre naisip ko na din, paano nga ba kung sa parehong araw na ito isang taon mula ngayon eh wala na pala ako sa mundong ito? Gusto ko din sila makasama, maka-kwentuhan at mapadama ang pagmamahal ko kahit sa simpleng paraan lang. 

Habang nasa bus kami papunta sa aming destinasyon, hindi ko na napigilan ang sarili ko. Yun ang unang beses na napaluha ako... sobrang pigil na pigil yung emosyon. Sinusubukan kong ipakita na matapang ako pero kahit gaano ka pala katapang darating talaga yung oras na hindi mo na mapipigilan pa yung luha mo. Buti na lang kami ni Nathan ang magkatabi sa bus, at buti na lang tulog si Mama at ang kapatid ko. Naramdaman ata ni Nathan yung pag iyak ko, muntikan na din siya maiyak nung mga sandaling yun. Ganun talaga kaming dalawa, hindi kami masyado nagpapakita ng emosyon. At yun ang unang pagkakataon na sabay kaming lumuha, marahil na din siguro sa sobrang bigat ng aming dinadala. 

Naging masaya naman ang aking kaarawan. Panandalian kong nalimutan ang bigat ng aking sitwasyon. Masaya ako na sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi, nakasama ko yung mga taong pinakamalapit sa puso ko. Kumain kami, lumangoy, nagpunta sa iba't-ibang isla... sana mabigyan pa ako ng maraming pagkakataon na tulad nito. Habang nandoon kami sa paraisong lugar na iyon, tinanong ako ni Nathan kung gusto ko na daw ba ipaalam sa kanila ang sitwasyon ko...  sabi ko hindi na muna.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung kakayanin ng nanay ko na malaman na may ganito akong sakit. Alam ko hindi makatarungan na hindi ko ito ipinapaalam sa kanya... sa kanila. Pero hindi pa ako handa, at nariyan naman si Nathan. Siya ang aking sandigan sa mga oras na ito at ako naman ang sa kanya. Hindi niya pa din ipinapaalam sa pamilya niya. Kaya kaming dalawang lang ang sabay na lumalaban sa sakit na ito, buti na nga lang at malusog pa din siya at di nakakadama ng anumang sakit. Parang di ko yata kakayanin pag pareho pa kaming malala na ang kondisyon. 



No comments:

Post a Comment